Nirerekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee na makasuhan si Gen. Oscar Albayalde

Nilabas na ng Senate Blue Ribbon Committee ang kanilang committee report tungkol sa isyu ng ninja cops sa pambansang pulisya.

Sa apatnaput siyam na pahinang report, kabilang sa mga nirerekomendang makasuhan si dating PNP Chief Oscar Albayalde.

Ayon kay Blue Ribbon Committee Chairperson Richard Gordon, mayroong sapat na circumstantial evidence para makasuhan si dating PNP Chief General Oscar Albayalde, dahil sa pagkakasangkot sa hulidap at pagtatakip sa 13 Pampanga police na sangkot sa kinuwestiyong November 2013 buy-bust operation.

Kung matatandaan, si Albayalde ang provincial director ng Pampanga nang mangyari ang naturang operasyon.

Kabilang sa mga kasong nirekomendang ikaso kay Albayalde ay ang paglabag sa Article 208 ng Revised Penal Code, para sa pagtawag kina dating General Rudy Lacadin at General Aaron Aquino upang hindi ipatupad ang dismissal order na unang nilabas ni General Raul Petrasanta.

Pwede rin aniya siyang makasuhan ng paglabag sa Anti Graft and Corrupt Practices act dahil dito.

Gayundin ang paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Ito naman ay dahil sa diumano’y pagkakaroon ni Gen. Albayalde ng bahagi sa narecycle na shabu ng 13 Pampanga ninja coos.

Giit ni Gordon, malinaw na alam ni Albayalde ang kontrobersiyal na operasyon ng kanyang mga tauhan ng mga panahong iyon, kaya’t dawit na rin siya sa kalokohan ng mga ito.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.