No Christmas party, ipinag-utos na ni Mayor Isko

Sinabi na ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang “No Christmas party” sa mga opisina ng lokal na pamahalaan ng lungsod sa darating na holiday season.

Ayon kay Yorme, hindi sila magkakaroon ng Christmas parties alinsunod na rin sa naunang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang Christmas parties dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.

Maituturing din kasing mass gathering ang Christmas party, kaya hangga’t maaari ay huwag munang magdaos ng ganitong pagtitipon.

Bukod sa mga opisina ng Manila LGU, sinabi ni Yorme na sakop na rin ng “No Christmas party” ang mga nasa pribadong sektor.

Humihingi naman ng paumanhin si Moreno pero umapela siya sa mga employer na ang pondo na gagamitin dapat sa Christmas parties ay i-pera o i-regalo na lamang sa mga empleyado upang magamit sa pagdiriwang sa Pasko.

Samantala, sinabi ni Moreno na may inihahanda ang lokal na pamahalaan ng Pamaskong handog para sa mga residente ng Maynila.

Tiniyak ng alkalde na hangga’t kakayanin ay mabibigyan ang bawat pamilya sa Maynila (lalo na ang mga mahihirap), upang kahit papaano ay may mapagsaluhan sila sa darating na Pasko.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.