NPA na suspek sa pambobomba ng North Cotabato naaresto ng pulisya

Dahil sa natanggap na sumbong, naaresto ng pulisya noong Hulyo 13 ang hinihinalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) na matagal ng wanted napakaraming kaso.

Kinilala ni Maj. Judgie Barotas, Magpet police chief, ang suspek na si Jhonel Amada Navales, 40, na miyembro ng Front 53 ng NPA na kumikilos sa nasabing lugar.

Nahaharap si Navales sa iba’t ibang kasong kriminal kabilang na ang pagpatay at 11 attempted murder dahil sa pagkakasangkot niya sa pambobomba noong Enero 28, 2019 sa mga tauhan ng pulisya sa Barangay Poblacion.

Namatay sa nasabing insidente si PO1 Christopher Anadon, habang nasugatan ang iba pang miyembro ng North Cotabato Police Mobile Force Company.

Ayon kay Barotas, ang suspek ay aktibong miyembro ng NPA bilang isang intelligence operative. Isa rin itong supply officer na nagkakanlong sa mga rebelde sa bahay nito kapag may operasyon ang militar sa kanilang lugar.

“The arrest of Navales as ‘eyes and ears’ of the NPA group would surely destabilize their community penetrations and assaults against military personnel and government installations,” ayon kay Barotas.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.