OVP at Pasig City, naglunsad ng app na tutulong sa small market vendors na magbenta online

Naglunsad ng isang application ang Office of the Vice President at lungsod ng Pasig upang tulungan ang small market vendors mula Pasig Mega Market na magbenta ng mga produkto nito online.

Tinatawag itong “Community Mart,” ang app na nagbebenta ng iba’t ibang prutas, gulay, karne at iba pang produkto sa piling barangay sa Pasig City.
Ayon sa Facebook post ni Vice President Leni Robredo, umabot sa higit P71,000 ang benta sa pamamagitan ng app sa unang araw ng operasyon nito.


“Umaasa rin tayo na patuloy ang suporta para sa ating programa, dahil malaking tulong ito sa mga kababayan nating naudlot ang kabuhayan dahil sa COVID-19,” ani Robredo.

Nag-aalok ng same-day delivery ang app, na tumatanggap ng cash on delivery, basta’t makaabot ito sa 12 noon cut-off. Samantala, alas-10 ng umaga ang cut off para sa iba’t ibang uri ng karne at seafood.

Narito ang mga napiling barangay na isama sa pilot run, kabilang ang malalayo sa Pasig Mega Market:
Ugong Proper — Valle Verde
Kapitolyo
Oranbo
Pineda
San Antonio — Ortigas area
Rosario Proper — Rosario dulo
Sta. Lucia Proper — Sta. Lucia / Dela Paz Boundary, Sta. Lucia / Cainta Boundary
De La Paz — Dela Paz / Santolan Boundary
Manggahan
Santolan
Maybunga

Ani Robredo, layunin ng kanyang opisina na palawakin pa ang app at makaabot sa mas marami pang lugar.
Nauna nang inilabas ang app sa Quezon City. Maaaring bumili ang mga residente sa piling mga barangay ng mga produkto mula sa Kamuning Market.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.