P13.36-B halaga ng illegal na droga, sinunog ng PDEA

Aabot sa P13,359,157,093.00 bilyong na halaga ng iligal na droga ang sinunog ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Barangay Aguado, Trece Martirez City, Cavite.

Nanggaling sa pinagsama-samang anti-drug operations ng PDEA at Philippine National Police (PNP) ang mga nakumpiskang droga sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ito na ang pinakamalaking bilang na halaga ng iligal na droga na sinunog ng mga otoridad sa kasaysayan ng pangangasiwa ng PDEA sa bansa

Sa nasabing seremonya, tiniyak ng pamunuan ng PDEA at sa pakikipagtulungan ng PNP at iba pang kaakibat na ahensiya na magpapatuloy ang kanilang operasyon sa iba’t ibang panig ng bansa para tukuyin, hulihin at pigilan ang patuloy na kalakaran ng iligal na droga sa bansa.

Bagamat aminado ang PNP na hindi pa rin madali ang pagbabantay at pag-iimbestiga laban sa mga durugista pero sa pakikipagtulungan ng iba pang kaakibat na grupo ay napapadali ang operasyon.

Ayon sa PDEA, dahil sa sunud sunod na operasyon ng kanilang mga operatiba ay natigil ang malalaking drug laboratory sa bansa at pawang mga taga labas ng bansa nalang ang namomonitor ng kanilang grupo na pinanggagalingan ng suplay ng iligal na droga na siya namang unti-unting nililinis ng kanilang hanay.

Sa isinagawang seremonya, isa-isang isinilid sa loob ng oven type thermal decomposition machine ang malalaking bulto ng iligal na droga saka ito paiinitan ng hanggang 1000 degrees centigrade para sa mabilis na pagtunaw ng mga kemikal na bumubuo sa nasabing mga iligal na droga

Mahigit sa dalawang tonelada ng iba’t ibang drug evidence na kinabibilangan ng methamphetamine hydrochloride, marijuana, cocaine, ecstasy, ephedrine, ketamine, at mga expired medicine ang nasunog.

Sa gitna ng tuloy tuloy na operasyon ng PDEA, Tiniyak ng ahensiya na wala silang itinatago taliwas ng mga napapaulat na isyu ng recycling at distribution ng mga nakumpiskang droga.

Sa pamamagitan aniya ng ganitong seremonya ay maipapakita nila ang transparency sa mga kumpiskadong iligal na droga.

Batay sa datos ng PDEA mula Hulyo 1 hanggang sa kasalukuyan, nasa P41.39 bilyon halaga ng shabu ang sinunog at sinira ng ahensiya sa ilalim ng Administrasyong Duterte.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.