P1M reward kada presong hindi susuko, tutuparin ni Pangulong Duterte – Sen Go

Hindi umano isang joke o biro kundi totoo ang P1 milyong reward ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sinumang makakahuli mga presong nakalaya sa pamamagitan ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law na hindi susuko matapos ang itinakdang September 19 deadline, ayon kay Senador Christopher Lawrence “Bong” Go.

“Hindi nagbibiro si Pangulong Duterte. Alam ko pag binitiwan niyang reward, reward talaga yan. Pag sinabi iyang P5 milyon, P5 milyon talaga,” pahayag ni Go, dating presidential assistant ni Duterte, sa panayam ng mga reporters kahapon.

“Pag sinabi niyang ulo, ‘pag dinala ang ulo, P5 milyon babayaran ka talaga. Pag sinabing katawan, P2 milyon pag katawan,” dagdag pa nito.

Nanawagan pa ang senador sa mga law enforcer na humanda na sa pagtugis sa mga ex-convict na hindi susuko pagkatapos nang itinakdang deadline ngayong araw, Huwebes.

“Sa mga law enforcers, pagkakataon na po ninyong kumita. After Sept. 19, trabaho na kayo, hanapin na mga hindi pag nag-surrender, P1 milyon po yun, sayang din po yun,” sabi ni Go.

Nanawagan din ito sa mga presong nakalaya sa pamamagitan ng GCTA law na sumuko na lang at huwag nang lumalaban pa sa mga huhuli sa kanila.

“Ako po’y nanawagan ka sumurender na kayo. Mas safe po kayo sa loob ng piitan. Mas hahaba pa ang inyong buhay, mas makakapiling nyo ansg mga kakosa niya sa loob,” ani Go.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.