P5.2-B budget para sa repatriation ng OFWs aprubado na ni Pangulong Duterte

Kinumpirma ni Labor Secretary Silvestre Bello III na aprubado na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang repatriation at quarantine budget para sa umuuwing overseas Filipino workers (OFWs).

Ito’y matapos makatanggap ang kalihim ng tawag mula sa Office of the President na inaprubahan na ang rekomendasyon ni Department of Budget and Management Secretary Wendel Avisado sa pangulo.

Ayon pa kay Bello, basta’t para sa mga OFW ay hindi tatangihan ng Pangulo ang pangangailangan para sa mga ito.

Matatandaan na una nang nagpahayag ng pangamba ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) dahil sa papaubos na ang P6.2-B na unang pondo nila para sa food, transport at accommodation ng mga umuuwing OFW ngayong buwan ng Mayo.

Agad silang humingi ng dagdag pondo sa national government para mabigyan ng agarang tulong o ayuda ang mga OFW na piniling umuwi muna sa bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic sa buong mundo.

Mula sa orihinal na P 9.8 bilyong budget na rekwest ng OWWA ay P5.2B muna ang naaprubahan, pero ayon kay Bello hindi muna sila agad hihingi ng karagdagan dito.

Nasa kabuuang 556K na ang napauwing OFW ng pamahalaan simula nang manalasa ang COVID- 19.

Wala pang eksaktong binanggit ang kalihim kung kailan i-rerelease ang naturang halaga.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.