Pacquiao kay VP Robredo: Salamat sa tiwala

Nagpasalamat si Senador Manny Pacquiao kay Vice President Leni Robredo sa tiwala nito sa kanya kasunod nang pahayag ng huli na kanyang susuportahan ang tambalan ng senador at ni Manila Mayor Isko Moreno sa 2022 national election.

Subalit giit ni Pacquiao, hanggang ngayon ay pinag-iisipan pa rin ang tatlong opsyon para sa kanyang plano sa susunod na halalan.

“I’m thankful to Vice President Leni Robredo for her trust in me ngunit tulad ng nasabi ko ay pinag-iisipan ko pang mabuti kung alin sa tatlong option ang pinagpipilian ko: ang presidency, ang tumakbo bilang senador o ang tuluyan nang magretiro sa pulitika,” sabi ni Pacquiao sa isang statement.

Nauna nang sinabi ni Robredo na kanyang susuportahan ang tambalan ni Pacquiao at Moreno kung ito malaking koalisyon na makakatalo sa kandidato ng administrasyon sa susunod na taon.

Sakaling matuloy man sa kanyang pagtakbo sa mataas na posisyon sa 2022, umaasa si Pacquiao na susuportahan ni Robredo ang kanyang hangarin para sa kapayapaan at kaunlaran ng Pilipinas.

“At kung sakali man na ako ay mag desisyon na tumakbo, sana ay masuportahan ninyo ang aking hangarin para sa kapayapaan at kaunlaran ng ating bansa,” sabi ni Pacquiao.

“Gusto kong makita sa kulungan ang mga magnanakaw sa ating pamahalaan na siyang dahilan ng paghihirap ng ating mga kababayan. Maraming-maraming salamat po ulit sa inyong pagtitiwala,” sambit pa ng senador.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.