Pacquiao nakatikim kay PRRD: “Mag-aral ka muna”

Kailangan munang mag-aral ni Senador at boxing champ Manny Pacquiao para mas maintindihan ang foreign policy ng bansa, at ang paninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa isyu ng pinag-aagawang teritoryong West Philippine Sea.

“I don’t want to degrade him, but next time he should—mag-aral ka muna nang husto bago ka pumasok,” ayon kay Pangulong Duterte sa naging panayam ssa kanya ni Pastor Apollo Quiboloy ng SMNI News, Martes ng gabi.

Tila ipinamukha pa ng Punong Ehekutibo na may “mababaw na kaalaman” si Pacquiao pagdating sa mga usapin na may kinalaman sa national concern.

Sa ulat, tila pinakiusapan ni Pacquiao si Pangulong Duterte na dapat pagbigyan naman ang iba na maging Pangulo ng bansa sa kabila ng panawagan ng ibang kampo na tumakbo si Duterte-Carpio upang maipagpatuloy ang nasimulan ng kaniyang ama.

Nauna nang sinabi ni Pacquiao na kung tatakbo siya ay sa ilalim pa rin ng PDP-Laban kahit pa may umuugong na hidwaan umano sa loob ng ruling party.

Malinaw na hindi na talaga mapipigilan si Pacquiao na tumakbo sa pagka-Pangulo sa halalan sa 2022, sabi ngayong Lunes ng isa niyang malapit na kaibigan.

Ayon naman sa dating mambabatas na si Monico Puentevella na kahit isulong pa ng PDP-Laban ang kandidatura ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa pagka-Pangulo, itutuloy pa rin ng senador at boxing champ ang pagtakbo sa halalan.

“Si Senador [Pacquiao] naman, ok lang maski sino sa inyo, lalaban ‘yan, kasi para sa kaniya, panahon na. Sa usapan namin, tuloy na tuloy, because para sa kanya, panahon na; hindi na niya makaya ang nakikita niyang mga kakulangan sa bayan,” ayon kay Puentevella.

Sinabi rin ng dating alkalde ng Bacolod City na mas mabuting malaman din nang maaga kung sino ang pipiliin ng PDP-Laban bilang standard bearer nito sa halalan. Si Pacquiao ang acting President ng partido.

“The earlier, the better na malaman niya katotohanan sa loob. Because kung talagang iba ang pipiliin, kung hindi si Senador ang pipiliin, lalaban ito kasi para sa kanya, panahon na. Ang panindigan niya, napuno na siya, gusto na niyang magserbisyo sa tao,” sabi ni Puentevella.

Pero kinumpirma ni Puentevella na may ilang partido na ring nanliligaw umano kay Pacquiao para lumipat ito sa kanila.

“May mga offers na sa labas. There are other parties now. May ibang partido na, ‘We will welcome him with open arms’, because who will not accept a man na walang bagahe?” sabi ni Puentevella.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.