Pag-asa at pagkakaisa panawagan ni VP Robredo sa mga Filipino

Pananatiling positibo at may pag-asa, ito ang mensahe ni Bise Presidente Leni Robredo sa mga Filipino sa pagsalubong sa Bagong Taon.

“Marami sa atin ang unang beses na sasalubong sa bagong taon na hindi kapiling ang mga pumanaw na mahal sa buhay, naapektuhan o nawalan ng kabuhayan, at mas kaunti ang handa sa medya noche. Maraming aspeto ng buhay natin ang nagbago—sa bahay, sa paaralan, sa opisina, sa mga ugnayan sa pamilya at kaibigan—at dala nito ang halo-halong emosyon: Takot, pangamba, lungkot,” ani Robredo.

“Pero paalala sa atin ng petsang ito—ang unang araw ng unang buwan ng isang bagong taon—na laging may bagong simula; laging may pagkakataong bumangon; na kaya natin itong gawing mas maginhawa, mas masagana, mas makatao kaysa sa kahapon. Hiling ko ang pag-asang ito para sa bawat pamilyang Pilipino,” dagdag pa ng Pangalawang Pangulo.

Aniya na dapat ay tumulong din sa mga labis na nangangailangan para sabay-sabay makaahon sa pandemya.

“Karugtong ng anumang pag-asa ang sikap at gawa. Hindi biglang mawawala ang virus dahil magpapalit tayo ng kalendaryo. Kaya patuloy tayong mag-ingat at sumunod sa mga health protocols. Patuloy tayong mag-ambagan upang matulungan ang mga kapwa nating mas mabigat ang dalahin. Patuloy nating buksan ang mga puso at alalahanin na sa panahong ito, bitbit natin ang isa’t isa.”

“Sa darating na taon, pag-asa ang pairalin natin sa ating araw-araw na pamumuhay, at pag-asa ang ibahagi natin sa kapwa, lalo na para sa mga nasa laylayan ng lipunan. Isang Manigong Bagong Taon po mula sa aming pamilya at sa aming lahat sa Office of the Vice President.”

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.