Pagdinig ng Senado sa ABS-CBN franchise, tuloy pa rin – Sen Grace Poe

Iginiit ni Senate Public Services Committee Chairperson Senador Grace Poe na tuloy pa rin ang gagawing pagdinig ng kanyang komite tungkol sa legislative franchise ng ABS-CBN.

Sa kabila ito ng inihaing gag order ng Office of the Solicitor General laban sa mga partidong sangkot sa inihain nilang quo warranto petition.

Ayon kay Poe, ang Korte Suprema na ang bahalang magpasya sa naturang mosyon sang-ayon sa umiiral na batas at sa mga naunang ruling, kung saan kinikilala aniya nito ang hurisdiksyon ng kapantay na sangay ng pamahalaan gaya ng Senado.

Sang-ayon rin si Senador Sherwin Gatchalian na dapat ituloy ng senado ang pagsasagawa ng pagdinig…

Ayon kay Gatchalian, sakaling maglabas ng gag order ang korte ay hindi naman maaapektuhan ang pagdinig ng senado, dahil tutuon  ang oversight sa compliance ng TV network sa kanilang legislative franchise.

Aniya, ang kongreso ang binigyan ng kapangyarihan na magbigay ng prangkisa kayat nasa kapangyarihan rin nito na rebyuhin kung nasusunod ba ang terms nito.

Sa susunod na linggo, February 27, itinakda ang pagdinig ng Senate Public Services Committee tungkol sa renewal ng legislative franchise ng ABS-CBN.

Gayunpaman, sa ngayon ay sinusubukan pa ng komite ni Poe na mas paagahin ang hearing.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.