Pagkakasibak sa pwesto ni PhilHealth President Morales, mga senador nagbigay ng saloobin

Naniniwala si Senate President Vicente Sotto III na ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalin sa pwesto si PhilHealth President Ricardo Morales nang dahil sa lagay ng kalusugan nito ay isang ‘humanitarian way’ o makataong paraan lamang ng pagsasabing sinibak siya sa pwesto.

Ito ang pananaw ni Sotto, na siyang nanguna sa katatapos lang na pagdinig ng Senate Committee of the Whole tungkol sa mga isyu ng anomalya at korapsyon sa ahensya, sa naging hakbang ni Pangulong Duterte.

Aminado naman si Senador Panfilo Lacson na nalulungkot siya para kay Morales.

Ayaw aniyang isipin ni Lacson na ang stress dulot ng naging mainit na pagdinig nila sa Senado ay nakaapekto sa kanyang kalusugan.

At sa kabila ng posibleng pagkakasangkot ni Morales sa mga iregularidad sa PhilHealth ay umaasa pa rin aniya ang senador na mapagtatagumpayan nito ang laban kontra sa sakit nitong kanser.

Kagabi ay kinumprima ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nagdesisyon ang Pangulong Duterte na mas mainam para kay Morales na bumaba na lamang sa pwesto at pagtuunan ang pagpapagaling nito.

Nakausap na rin aniya ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang opisyal at sinabi nitong nauunawaan niya ang naging desisyon ng Pangulo.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.