Pagpapaluwag sa panuntunan at batas ng bansa para sa mga mamumuhunan, ipinanawagan ni Speaker Velasco

Binigyang-diin ni House Speaker Lord Allan Velasco ang malaking tulong ng pagpapaluwag sa investment rules ng bansa para makahiyakat ng mga dayuhang mamumuhunan at negosyante.

Sa pagharap ni Velasco sa virtual conference ng Joint Foreign Chambers of Commerce of the Philippines (JFC), sinabi nito na mag-reresulta sa dagdag na trabaho para sa mga Pilipino kung mas maraming foreign investment ang papasok sa bansa sa larangan ng agrikultura at manufacturing industry.

Oras na mapaunlad ang naturang mga industriya ay malaki aniya ang maitutulong nito lalo na sa mga Overseas Filipino Workers na napilitang umuwi mula sa ibayong dagat dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.

Bunsod nito muling nanawagan si Velasco para sa pagsasabatas ng panukalang pag-amyenda sa Public Service Act, Retail Trade Act at Foreign Investment Act, upang ma-engganyo ang mga foreign investors at company na magbukas ng negosyo sa bansa.

Kasama rin sa itinutulak nito ay ang mungkahing Rural and Fisheries Development Financing System Act na inaprubahan na ng Kamara sa ikatlong pagbasa; ang Coconut Trust Fund Bill; ang panukalang National Land Use Act; at ang mga amyenda sa Buil-Operate-Transfer Law at ang Contractor’s License Law.

Bahagi rin ng hakbang para makahikayat ng mga mamumuhunan ang pag-amyenda sa Anti-Red Tape Act at ang pagsasabatas ng Internet Transactions Bill.

Bukas naman ang Marinduque solon sa pag-amyenda ng economic provision ng Saligang Batas.

Ngunit posibleng ang susunod na kongreso na umano ang magtulak nito dahil sa napakarami pang mahahalagang usapin ang tinutugunan sa ngayon ng 18th congress.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.