Pagpapawalang bisa sa mosyon ni Trillanes na ibasura ang arrest warrant, katok sa kanyang parusa

108

Nirerespeto ng Palasyo ang naging pasya ng korte kaugnay ng ginawang pagbasura nito sa mosyon na inihain ni Senador Antonio Trillanes, na humiling na ipawalang bisa ang arrest warrant sa kanya kasunod ng pagpapawalang bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa amnestiya nito na ipinagkaloob ng nagdaang administrasyon.

Sa statement na inilabas ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, inihayag nitong nagsisimula nang habulin ng batas ang senador habang kumakatok na rin dito ang parusa na maaaring kaharapin nito.

Sinabi ni Panelo, na walang ibang lumikha ng kanyang sariling pusalian kundi si Trillanes mismo, na bunga ng pagiging walang utang na loob nito sa gobyernong nagpaaral sa kanya gamit ang pera ng taong bayan.

Ang nangyayari ani Panelo ngayon kay Trillanes ay dapat aniyang magdulot ng takot sa iba pa, na matapos bigyan ng edukasyon ng pamahalaan ay siya pang maghahasik ng paglaban sa gobyerno, gayundin sa mga indibidwal na ginagamit ang kanilang kapangyarihang pulitikal upang humikayat sa publiko na lumaban sa mga otoridad.

Batay sa naging pasya ni Judge Elmo Alameda ng Makati RTC 150, bigo si Trillanes na makapagpakita ng testimonial o documentary evidence na siya’y nakapagsumite ng kanyang amnesty application o nagkaroon man lang ng pag-amin na siya’y guilty sa kanyang pagiging promotor noong 2007 Manila Pen siege.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.