Pagtalakay sa Cha-Cha ng Kamara, hanggang committee level muna

Nilinaw ni House Speaker Alan Peter Cayetano na hindi nila tuluyang isinasantabi ang usapin ng Charter Change (Cha-Cha) sa gitna ng kinahaharap na coronavirus disease (COVID-19) pandemic ng bansa.

Ayon kay Cayetano, mananatiling prayoridad na dapat pag-usapan ang Cha-Cha sa Kamara ngunit mali ang timing o panahon ng pagtalakay dito dahil sa problema sa COVID-19.

Maaari aniyang pag-usapan ang isyu sa committee level kung saan itutulak ang economic federalism sa pamamagitan ng pagbuhay sa internal revenue allotment code at pag-amiyenda sa iba’t ibang probisyon na nakapaloob sa Local Government Code.

Iginiit ng speaker na hindi man maisasalang sa plenaryo ang panukala at hindi mapapalitan ang Saligang Batas, sapat nang mailapit sa pederalismo ang sitwasyon ng local government units.

Paliwanag nito, mababalewala ang panawagan ng gobyerno sa publiko na manatili sa mga tahanan upang maiwasan ang COVID-19 kung magkakaroon ng plebesito at dadagsa sa polling precincts na kadalasan ay siksikan ang mga tao.

Bukod pa rito, marami pang trabahong isasaalang-alang ang Kamara at Senado sa susunod na taon na bahagi ng normal na operasyon ng pamahalaan tulad ng paglalaan ng budget sa Commission on Elections bilang paghahanda sa automated elections sa 2022 at pagbibigay ng kabuhayan sa mamamayan.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.