Pahayag ni DICT Sec. Honasan tungkol sa internet speed ng Pilipinas, di nagustuhan ng ilang Senador

Hindi nagustuhan ni Senador Panfilo Lacson ang naging pahayag ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Gringo Honasan, tungkol sa internet connectivity ng bansa.

Sa isang pahayag, sinabi ni Lacson, na ang paglalarawan ni Honasan na “not so bad” ng ating internet speed ay katumbas rin ng pagiging “not so good” nito.

Ayon kay Lacson, sa gitna ng pandemya kung kailan virtual na halos ang mga transaksyon at gawain, ang kailangang marinig ng lahat ay ang maging ‘good enough’ ang internet speed sa Pilipinas.

Gayunpaman, mas mainam pa rin aniya kung maging ‘very good’ o ‘excellent’ na ang maririnig natin mula sa DICT balang araw.

Para naman kay Senate President Vicente Sotto III, na nagiging konserbatibo lamang si Honasan sa kanyang assessment sa internet speed ng bansa, dahil hindi nito masabing maayos pero hindi rin niya masabing masama ang ating internet.

Sinabi naman ni Senador Sonny Angara, na dapat magkaroon na ng desididong hakbang para mapaganda ang internet connectivity sa Pilipinas.

Napapanahon na aniya na magkaroon tayo ng national broadband program.

Matatandaang sa pagdinig ng Kamara sa panukalang pondo ng DICT, sinabi ni Honasan, na hindi na masama ang three to seven megabits per second (Mbps) internet speed ng bansa…iyan ay kumpara sa hanggang 55 Mbps internet speed ng ibang mga bansa.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.