PAL at Cebu Pacific, nag-anunsyo na ng kanselasyon ng domestic flights simula ngayong araw

Inanunsyo ng Cebu Pacific na kanselado na ang lahat ng domestic flights nito patungo at mula sa Metro Manila simula ngayong araw matapos itong isailalim muli sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Ayon kay Corporate Communications Director Charo Logarta-Lagamon, kinansela na ang biyahe ng Cebu Pacific at Cebgo hanggang August 18.

Pero mananatiling operational ang flights na Clark-Cebu-Clark at Cebu-Davao-Cebu tuwing araw ng Martes.

Plano rin aniyang ituloy ang ilang international flights mula Maynila patungong Dubai, Seoul, Tokyo, Osaka at Singapore habang suspendido ang biyahe sa Taipei.

Paalala ng opisyal na maaaring magbago ang flights depende sa government regulations kasabay ng pagtitiyak na makikipag-ugnayan sila sa mga pasahero sa pamamagitan ng e-mail address, mobile number, website at social media accounts.

Dagdag pa ni Lagamon, magpapatuloy ang cargo flights para matiyak na umuusad ang essential goods sa buong bansa at makikipagtulungan sila sa pamahalaan para umayuda sa mga stranded na pasahero.

Magkakaroon ng options ang mga pasaherong apektado ng kanseladong flights na mag-rebook ng travel date sa loob ng tatlong buwan, dalawang taong travel fund o virtual wallet at full ticket refund.

Sa isang hiwalay na pahayag ay kinumpirma ng Philippine Airlines na kanselado na rin ang kanilang domestic flights patungo at mula sa Metro Manila.

Hindi naman apektado ang Clark, Cebu, Davao at iba pang siyudad, samantalang tuloy din ang kanilang international flights mula sa Maynila sang-ayon sa quarantine capacity at iba pang arrangements.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.