Pangangaroling sa Metro Manila, may age limit na

Pagbabawalan na muna ang mga menor de edad na mangaroling sa mga bahay sa National Capital Region (NCR) ngayong panahon ng Kapaskuhan dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Parañaque City Mayor at Metro Manila Council Chairperson Edwin Olivarez, ang tanging papayagan na mangaroling ay ang mga may edad 18 hanggang 65 years old.

Pero dapat aniya ay gawin ito hanggang alas-12 lamang ng hatinggabi at hindi lalampas sa 10 tao bawat grupo ang papayagan.

Iginiit din ni Olivarez na ipagbabawal ang gift-giving at salu-salo sa homeowners gayundin ang pagpapatugtog ng malakas na music at videoke sa mga barangay.

Hinimok naman ng alkalde ang mga kumpanya na magdaos muna ng virtual Christmas party dahil hindi pahihintulutan ang pagtitipon ng higit sa 10 indibidwal.

Babala nito, kapag lumabag ay maaapektuhan ang business establishment dahil maaaring masuspinde ang mga kawaning mahuhuling nag-party o isasara ang negosyo.

Ipinaliwanag ni Olivarez na bagama’t unti-unting niluluwagan ang panuntunan upang buhayin ang ekonomiya sa Metro Manila ay hindi pa inirerekomenda ng local chief executives ang paglipat sa Modified General Community Quarantine (MGCQ).

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.