Pangulong Duterte, binalaan na ipapasara ang J&T Express, pinaiimbestigahan ang pambabato sa mga parcel

Hindi umano magdadalawang-isip si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ipasara ang delivery service provider na J&T Express kapag napatunayan na guilty o may pananagutan sa mga reklamo laban sa kanila.

Nakarating kasi kay Pangulong Duterte ang iba’t ibang reklamo maging ang nag-viral sa social media na video ng mga empleyado nitong lalaki na walang pakundangang hinahagis sa loob ng truck ang mga package na nakatakdang ihatid sa kanilang mga kustomer.

“Madalas akong makatanggap ng complaint. better shape up,” ayon sa Pangulo sa kanyang public address.

Kasalukuyan na aniyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa mga reklamo laban sa mga empleyado ng J&T, ayon sa Chief Executive.

Hahalungkatin din umano ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang lifestyle ng mga empleyadong ito.

Nilinaw ng Pangulo na hindi naman niya kinokondena ang kumpanya dahil dedepende aniya sa imbestigasyon ang magiging hakbang niya.

Pero kung mapapatunayang guilty ito sa mga reklamo ay ipasasara niya umano ito.

‘May padala nawawala.. pinapalitan. cargo na pinalitan nyo,” ayon sa Pangulo.

Kaya nga, tinawagan ng pansin ng Pangulo ang lahat ng may reklamo na magpunta sa pulisya o police agency at magpaturo na maghain ng reklamo.

Kapag napatunayan aniya ang reklamo at medyo may kalokohan ay siya na mismo ang magsasampa ng kaso.

“i will continue to call the attention of anyone. yung warranty.. arrived safe and sounds better sabayan mo yan ng standard of ano sabihin mo yun un,” aniya pa rin.

Sa ulat, pinag-usapan sa social media ang insidente kung saan makikita na hindi man lang sinusuri o kinakapa ng mga lalaki ang laman ng mga mga package at walang alintana kung may mababasag o masisira sa mga ito habang nihahagis sa loob ng truck.

Sari-saring reaksyon mula sa publiko ang dumagsa sa social media at lumutang tuloy ang mga reklamo ng iba pang kustomer.

Bukod sa mga depektibong produkto, inirereklamo rin ng mga online buyer ang kulang na piyesa sa mga binili nilang gamit na resulta pala umano ng kawalang-ingat ng mga trabahador at hindi ng mga online seller na kumuha sa serbisyo ng J&T Express.

Mayroon ding humiling sa Department of Trade and Industry (DTI) na bawiin ang lisensya ng kompanya para hindi na umano ito pamarisan ng iba pang courier service.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.