Pangulong Duterte, binawi na ang moratorium sa pagmimina

Binawi na ng Malacañang ang una nang ipina-implementa na moratorium sa pagmimina.

Sa pamamagitan ng Executive Order No. 130 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay pinapahintulutan na nito ang pagpasok na muli ng pamahalaan sa bagong mineral agreements, alinsunod sa Philippine Mining Act of 1995 at iba pang mga batas.

Nangangahulugan ito na maaari nang ipagpatuloy ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagbibigay at pag-iisyu ng exploration permits base sa umiiral na batas at mga panuntunan.

Inaatasan din ang DENR na lumikha ng terms and conditions sa bagong mineral agreements kung saan magagamit nang husto ng gobyerno ang kita at shares nito sa production, kabilang na ang posibilidad na ideklara ang mga lugar na ito bilang mineral reservations upang makakuha ng kaukulang royalties.

Sa ilalim ng EO ay kailangan ding repasuhin ng DENR ang mga kasalukuyang mining contracts at mga kasunduan para sa posibleng renegotiation sa terms and conditions na magiging katanggap-tanggap sa gobyerno at sa mining contractor.

Nakasaad din sa EO na kailangang magpatupad ang DENR ng mahigpit na mines safety and environmental polices, at mga patakaran ng Mining Industry Coordinating Council para sa lahat ng mining operations na naglalayong maoobserbahan ang environmental protection at maging responsable ang pagmimina.

Ang pagbawi sa moratorium ay ginawa matapos makapagpatupad ng mga bagong batas para sa pag-rationalize ng existing revenue sharing schemes and mechanisms kasama na ang Tax Reform Acceleration and Inclusion o TRAIN na nagtatakda ng dobleng rate sa excise tax sa minerals, mineral products, at quarry resources sa 4% mula sa dating 2%

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.