Pangulong Duterte hawak na ang resulta ng imbestigasyon sa PhilHealth

Isinumite na kahapon kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) inter-agency task force ang resulta ng imbestigasyon nito sa mga anomalya sa nasabing ahensya.

Ayon kay Justice Undersecretary Neil Bainto, habang naghihintay sila ng susunod na aksyon ni Pangulong Duterte, kikilos na rin ang composite team ng task force para mag-imbestiga sa mga partikular na pandaraya o korapsyon na pinaggagagawa ng mga taga-PhilHealth at health provider.

Bahala naman umano ang mga kaukulang ahensya na umaksyon sa mga nakabinbin na kaso.

Makaraang mabuo noong Agosto 7, nagsagawa ang task force ng pitong pagdinig mula sa 14 testigo, ulat at paglalagom ng mga kaso at ulat at rekomendasyon ng ibang ahensya gaya ng Senado

Samantala, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na ang bagong pinuno ng PhilHelath na si Dante Gierran ay kayang walisin ang korapsyon sa galing nitong magpatakbo at mag-ayos ng pananalapi ng ahensya.

Nauna rito, inatasan ni Duterte si Gierran na hanapin at kilalanin lahat ng mga opisyal at iba pa na sangkot sa mga anomalya sa ahensya at balasahan na rin sa mga panrehiyong vice president nito.

Sinabi ng task force na hindi umuusad ang napakaraming kaso sa PhilHealth na kinasasangkutan ng libo-libong empleyado ng ahensya at healthcare institutions (HCIs) sa gitna ng mga panawagang aksyunan ang mga ito.

Mismong si Senior Vice President for the Legal Sector, Atty. Rodolfo del Rosario Jr., ang kumumpirma rito sa pagsasabing 70 kaso lang ang naaksyunan at 50 lang dito ang humantong sa mga hukuman mula sa 1,700 kaso.

Kabilang sa mga natatanging kaso ng mga taga-PhilHealth ang nagkakahalaga ng P2.1 bilyon habang P4.7B naman ang mga kasong nauugnay sa mga HCI.

Sinabi ng task force na makaraan ang mga audit at pagtatasa sa mga kaso ng PhilHealth, magsasagawa na ito ng mga rekomendasyon para sa mga kasong administratibo, sibil o kriminal laban sa mga taga-PhilHealth at sa HCIs.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.