Pangulong Duterte hindi nangielam kailanman ukol sa prangkisa ng ABS-CBN

Dinepensahan ni House Committee on Legislative Franchises Vice Chairman at Isabela Rep. Antonio “Tonypet”Albano si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsasabing walang ibinibigay na marching order sa kanila ang pangulo kaugnay sa isyu ng ABS-CBN franchise renewal.

Binigyang diin ni Albano na hindi tumawag kahit minsan at hindi rin nakialam si Pangulong Duterte sa trabaho ng Kamara.

Ayon sa mambabatas, pinahahalagahan at nirerespeto ng Punong Ehekutibo ang separation of powers ng bawat sangay ng pamahalaan.

Pinahahalagahan din aniya ni Pangulong Duterte ang karapatan sa kalayaan sa pamamahayag at siya rin ay naniniwalang absolute ito.

Pero kung ang karapatan sa pamamahayag ay gagamitin sa fake news at paninira nagiging libelous ito at maaaring manghimasok na dito ang pamahalaan sa pamamagitan ng pagbawi sa prangkisa para maprotektahan ang mga Pilipino sa misinformation at pang-aabuso.

Malinaw din aniya sa pagkuha ng franchise na ibinibigay ng gobyerno na hindi babaliin ng media network ang batas at hindi ito gagamitin sa pamumulitika.

Naunang inamin ni Albano na nakakaramdam sila ng pressure sa gusot sa pagitan ni Pangulong Duterte at ng ABS-CBN hinggil sa usapin pa rin ng franchise renewal.

Ayon kay Albano, inaamin nila na malaking pressure sa kanila ang isyu dahil mismong ang Punong Ehekutibo ang ayaw na ma-renew ang prangkisa ng media network.

Dagdag pa ni Albano, napepressure din sila sa lumalabas na balita partikular sa ABS-CBN na mistulang nakakasama na rin sa imahe ng buong Kongreso.

Giit ng kongresista, pabayaan na sana sila ng ehekutibo at ng broadcast giant na gawin ang kanilang tungkulin.

Tiniyak naman ng mambabatas na ginagawa ng Kamara ang lahat ng kanilang trabaho kaugnay sa usapin ng prangkisa ng ABS-CBN na nakatakda namang mapaso sa March 30, 2020. 

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.