Pangulong Duterte ikinabahala ang sobrang taas ng singil ng Meralco

Ikinabahala ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sobrang taas ng singil ng Manila Electric Co. (Meralco) sa mga konsumidores nito sa panahon ng quarantine. Ito ang inihayag ng Malacañang noong Hunyo 25.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque ay nauunawaan ng Pangulo ang sentimyento ng Meralco customers.

Aniya, “Nakarating na po iyan kay Presidente at siyempre, nabahala siya dahil sa panahon ng pandemya, hindi naman dapat bigyan ng additional pahirap na hindi naman kinakailangan ng ating mga kababayan.”

Inirereklamo ng Meralco subscribers ang sobrang laki ng sinisingil sa kanilang electricity bills simula nang ipatupad ang community quarantine sa ating bansa – lalo na noong buwan ng Mayo.

Noong Mayo 15, inatasan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Meralco “to explain and show proof of its basis in calculating the kilowatt-hour for its customers, particularly for the billing periods of March, April, and May 2020”.

Sa pahayag noong Hunyo 10, sinabi ng ERC na nag-isyu na sila ng show-cause order sa Meralco noong Mayo 29 “for allegedly violating the commission’s directives related to bill advisories”.

May 10 araw ang Meralco para ipaliwanag ang kanilang panig.

Pinuri naman ni Roque ang ERC sa mabilis nitong pagtugon sa isyu, at hihilingin aniya rito na magbigay ng update sa show-cause order sa Meralco.

“Ibang usapin pa po kung ano talaga ang magiging desisyon ng ERC doon sa pagsipa ng sinisingil ng kuryente sa ating mga mamamayan,” ayon kay Roque.

Nag-estimate ang Meralco sa March and April electricity bills gamit ang nakonsumo ng consumers sa nakalipas na tatlong buwan.

Ikinagulat naman ng consumers ang biglang pagtaas ng kanilang “supposed electricity consumption” para sa buwan ng Mayo.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.