Pangulong Duterte, ipapanukala sa Kongreso na buwagin ang PhilHealth

Handa si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ipanukala sa Kongreso na i-abolish o tanggalin na ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa gitna ng alegasyon na malawakang korapsyon sa state health insurer.

“Itong PhilHealth, I am going to propose to Congress to abolish the— Kung i-privatize mo naman, susmaryosep, walang pera. Sinong insurer niyo? Sabihin ng mga kapitalista sa insurance, ‘kami ang magbayad? Wala kayong pondo,’” ayon sa Pangulo sa kanyang public address, Lunes ng gabi.

Tinukoy ng Punong Ehekutibo ang kakulangan ng pondo ang dahilan kung bakit nagbebenta na ang Pilipinas ng real state properties sa Japan.

“That’s the reason why we are selling properties, real estate properties in Japan because we have to raise money. Wala nang pambayad diyan sa PhilHealth na ‘yan kaya walang ibang remedy diyan, it must be a surgical move,” ayon sa Chief Executive.

Nais din ni Pangulong Duterte na magkaroon ng malawakang balasahan sa PhilHealth.

“Hindi na puwedeng itong mga tao na ito there already. Entrenched na. Talagang either I’m going to revamp, consider everybody resigned there and if there’s the structure we can slowly rebuild,” diing pahayag ng Pangulo.

Matatandaang, inaprubahan ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Task Force PhilHealth na sampahan ng patung-patong na kasong kriminal at administratibo ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) kabilang ang nagbitiw na si dating PhilHealth president at chief executive officer Ricardo Morales.

“I have to read this because first, the issue of PhilHealth corruption was really an important issue to the Filipinos and everybody,” ani Pangulong Duterte.

Bukod kay Morales, pinakakasuhan din sina Senior Vice President (SVP) at Chief Information Officer Jovita V. Aragona, senior Information and Communication Techno­logy officer Calixto Gabuya Jr., Executive Vice President at Chief Operating Officer Arnel De Jesus, SVP Ernesto Limiasco Jr., SVP Israel Pargas, at Division Chief Bobby Crisostomo.

Ang mga nabanggit na opisyal ay nagpabaya at mahaharap sa kasong administratibo at kriminal sa ilalim ng Republic Act (RA) 1319 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Law at Revised Penal Code.

Kabilang sa mga alegasyon ng korapsiyon ang diumano’y pagbili ng overpriced IT equipment; kuwestiyonableng pagpapalabas ng pondo sa ilalim ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM) at diumano’y manipulasyon ng financial status ng PhilHealth.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.