Pangulong Duterte ipinababalik ang periodic drug testing sa lahat ng mga pampublikong tsuper

Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ibalik ang periodic drug testing sa lahat ng mga pampublikong tsuper at magpatupad ng mahigpit na road safety checks.

Layunin nito na maging ligtas ang mga mananakay kapag bumibiyahe.

Ang direktiba ay ginawa ng Chief Executive kasunod ng malagim na aksidente sa Cotabato na nagresulta sa pagkasawi ng 21 katao.

Nauna rito, pinulong na ng Punong Ehekutibo ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) nitong nakalipas na araw at inatasan si Secretary Arthur Tugade na higpitan ang pagpapatupad ng road safety checks para hindi na maulit ang mga malagim na aksidente sa daan.

Gusto ni Pangulong Duterte na higpitan ang requirements sa pagkuha ng lisensiya sa pagmamaneho para hindi makompromiso ang kaligtasan ng mga pasahero at magpatupad ng financial capability check sa mga operator ang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sinasabing, maging ang mga pampublikong terminal ay dapat na magkaroon ng regular na inspection para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero.

Kabilang rin sa inutos ni Pangulong Duterte ang agarang pagpapatupad ng PUV Modernization Program at pagbabawal na makapagbiyahe ang mga kakarag-karag na sasakyan . Samantala,inaasahan namang magpapalabas ng Executive Order ang Malacañang para opisyal na mailatag ang mga direktiba ng Pangulo. 

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.