Pangulong Duterte kay Robredo, lumilikha ng kalituhan sa publiko hinggil sa bakuna

Nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi ito pikon kay Vice President Leni Robredo .

Ito ay matapos sabihin ni Robredo na Pikon at tila hindi pangulo kung magsalita si Pangulong Duterte.

Sa pagharap ng pangulo sa publiko, sinabi nito na galit siya sa pangalawang pangulo dahil hindi nakakatulong sa vaccination rollout ng pamahalaan ang ginagawa nito.

Ayon sa pangulo, dinadagdagan lamang ni Robredo ang takot ng publiko sa bakunang ginagamit sa bansa ngayon.

“Ang statement niya “sana nasunod ang proseso.” Alam mo abugado man kaming dalawa, a misplaced comma could change
the meaning of everything. Ganoon iyan.

So iyong sinabi niya na hindi — “sana sinunod iyong proseso,” magbibigay siya ng bakokang sa ulo ng tao na sinabi ni Bise Presidente, eh Bise Presidente siya eh. “Sana papabakuna ako kaya lang eh may sinabi na hindi
nasunod ‘yong proseso,” ang pahayag ng pangulo.

Pinayuhan pa nito si Robredo na manahimik nalang kung wala siyang masabing maganda sa ginagawa ng gobyerno.

Matatandaang ipinanawagan ni Robredo na dapat sumailalim sa pagsusuri ng Health Technology Assessment Council (HTAC) ang Sinovac bago ito ibigay sa mga tao upang matiyak ang kalidad ng bakuna, at kaligtasan ng publiko.

Samanatala, binigyang-diin ni Pangulong Duterte na malaki ang papel ng mga barangay kapitan para mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Pinaalalahanan ng pangulo ang mga kapitan sa kanilang papel sa pagpatutupad ng minimum health standards laban sa pandemya sa kanilang nasasakupan.

Aniya, kailangan ng ‘political will’ ang mga kapitan para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Nagpaalala din ang pangulo sa publiko na sumunod sa mga itinakdang minimum health standards tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, madalas na paghuhugas ng kamay at physical distancing.

Ayon sa pangulo, isa lang ang buhay ng tao kaya dapat itong pangalagaan at bantayan ng tao.

Aniya, malaking tulong sa bansa ang pagtalima ng bawat isa sa mga health protocol.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.