Pangulong Duterte, may tiwala pa rin at walang nakikitang korapsiyon kay Ex-BuCor Chief Faeldon

May tiwala pa rin si Pangulong Rodrigo Duterte sa sinibak nitong Director General ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Nicanor Faeldon.

watch the video here:

Sa kabila ito ng kontrobersiyang idinulot ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law na nagpalaya ng mga preso kahit hindi kuwalipikado ang iba sa mga ito.

Sa kanyang talumpati sa groundbreaking ng itatayong pabahay sa Naga City, Cebu ngayong Biyernes ng gabi, sinabi ng Pangulo na may tiwala pa rin siya kay Faeldon sa kabila ng kontrobersiya sa hinawakang ahensiya.

“Faeldon karon nga na tao, I still believe in him,” anang Pangulo.

Ikinuwento ng Pangulo na si Faeldon ang nagsumbong sa kanya na peke ang stamp na ginamit ng isang negosyante sa tatlong bodega ng produktong sigarilyo nito kaya napagmulta ang kompanya ng 37 bilyong piso.

Dito pa lang aniya ay maaari na sanang yumaman si Faeldon kung nagpa-areglo ito pero mas piniling isumbong sa kanya kaya nakakubra ang gobyerno ng malaking halaga.

Gayonman, walang binanggit si Pangulong Duterte kung bibigyan pa niya ng inang puwesto sa gobyerno si Faeldon matapos ang kontrobersiya sa GCTA.

Sa pinakahuling pagdinig sa Senado, nabunyag na pinagkakitaan ng ilang Bucor officials at empleyado ang GCTA para lumaya ang ilang preso kahit hindi kuwalipikado ang mga ito.

Walang isyu ng korapsyon si dating Bureau of Corrections (BuCor) Chief Nicanor Faeldon.

Pahayag ito ng Palasyo matapos sibakin ni Pangulong Rodrigo Duterte si Faeldon, dahil sa pagsuway sa kanyang utos na huwag palayain si convicted rapist-murderer at dating Mayor Antonio Sanchez, dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, na sa paniniwala ni Pangulong Duterte, walang bahid ng korapsyon ang pagkatao ni Faeldon kung kaya nasabi niya sa kanyang talumpati noong Biyernes sa Cebu City na tiwala at bilib pa rin siya sa dating marine official.

Sinabi pa ni Panelo, na prerogative na rin ni Pangulong Duterte kung itatalaga muli si Faeldon sa iba pang posisyon sa gobyerno.

Una nang nasangkot sa kontrobersiya si Faeldon sa 6.4 bilyong pisong shabu shipment noong siya pa ang pinuno ng Bureau of Customs (BOC).

Gayunman, sa kabila ng kontrobersiya, inilipat ni Pangulong Duterte si Faeldon sa BuCor kung saan nasangkot naman ito sa panibagong kontrobersiya dahil sa muntikan nang paglaya ni Sanchez.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.