Pangulong Duterte, Mga proyektong imprastraktura ng gobyerno, malaking ambag sa mabilis na recovery ng bansa sa COVID

Positibo si Pangulong Rodrigo Duterte na malaki ang magagawa ng Infrastructure investment para makabangon ang bansa mula sa epektong idinudulot ng pandemya.

Punto ng Pangulo, mabisang pamamaraan aniya ito upang tumaas ang economic growth ng bansa at makahikayat ng mga mamumuhunan upang maglagak ng kanilang negosyo sa bansa.

Makikinabang din ayon sa Chief Executive mismo ang mga Pilipino sa tuloy-tuloy na mga proyektong imprastraktura ng administrasyon gayung nagbibigay ito ng empleyo sa ating mga kababayan.

Ito sabi ng Pangulo ang dahilan kung bakit ipinagpatuloy na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang konstruksiyon ng ilang pangunahing proyekto gaya ng North Luzon Expressway Harbor Link, the NLEX-SLEX Connector, ang Cavite-Laguna Expressway, ang Metro Manila Skyway Stage 3, R-1 Bridge Project at marami pang iba.

Kaugnay nito, nanawagan din ang Punong Ehekutibo sa Kongreso na paspasan ang pagpasa ng ilang hakbangin para sa mabilis na recovery ng bansa gaya ng pag-aapruba sa Corporate Recovery and the Tax Incentives for Enterprises o ang CREATE Act.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.