Pangulong Duterte, nag-utos ng pagsasaliksik sa posibleng paggamit ng Estado ng nuclear energy

Iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng kaukulang pag-aaral para sa pagbuo ng isang inter-agency committee na may kinalaman sa nuclear energy program.

Ang direktiba ay ginawa ng Pangulo sa pamamagitan ng paglalabas ng Executive Order 116.

Bubuuin ang Nuclear Energy Program Inter-Agency Committee ng mga representate mula sa Department of Energy (DOE) na magsisilbing chairperson habang tatayong vice chairperson ang kinatawan mula sa Department of Science and Technology (DOST).

Miyembro naman ng Inter-Agency ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Finance Department, Department of Foreign Affairs (DFA), National Economic and Development Authority (NEDA), National Power Corporation, National Transmission Corporation, Philippine Nuclear Research Institute, at Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Layunin ng hakbang na magkaroon ng assessment at kaukulang evaluation hinggil sa posibilidad na gumamit na rin ng nuclear power ang estado.

Nakasaad din sa EO na hindi lamang nakasentro dapat sa Bataan Nuclear Power Plant ang gagawing pag-aaral ng mga kinauukulan sa gitna ng ikinukunsidera ng gobyernong makatulong ang paggamit ng enerhiyang mula sa nukleyar sa ekonomiya ng bansa.

Saklaw din ng pag-aaral ang posibleng idulot nitong epekto sa kalikasan at seguridad.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.