Pangulong Duterte, nakatutok sa sitwasyon at updates tungkol sa bagyong Rolly

Tiniyak ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na patuloy nilang mino-monitor ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sitwasyon at mga update tungkol sa bagyong Rolly.

Sa ngayon ay nagbigay na aniya ng direktiba si Pangulong Duterte sa mga ahensya ng gobyerno para matiyak ang kahandaan at maayos na pagtugon sa epekto ng bagyo.

Ayon kay Go, sa ngayon ay nasa Mindanao ang Pangulo ngunit maaari itong bumalik na agad ng Metro Manila oras na mapahintulutan na ng lagay ng panahon.

Maliban sa pagtugon sa epekto ng bagyong Rolly, nakatuon na rin aniya ang pansin ng buong gobyerno sa pagtitiyak na maibabalik agad sa normal ang sitwasyon ng mga naapektuhang lugar oras na makaalis na ng bansa ang bagyo.

kabilang na dito ang pagsasaayos ng mga masisirang imprastraktura, pababalik ng suplay ng kuryente, pagsasagawa ng search and rescue operations, pamimigay ng relief goods at iba pa.

Dagdag pa ni Go, nakahanda at naka-preposition na ang mga relief at financial assistance para sa mga kababayan nating matatamaan ng bagyong Rolly.

Tiniyak rin ng senador na nakikipag-ugnayan na ang mga ahensya ng gobyerno sa kanilang mga counterpart sa local level at nakatutok na ang buong NDRRMC hanggang sa mga barangay level.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.