Pangulong Duterte, nanindigan na ligal ang mga transaksyon ng kanyang gabinete sa COVID-19 response

Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na dedepensahan niya ang mga opisyal sa ilalim ng kanyang gabinete sakaling may kumuwestiyon sa mga paggastos ng mga ito sa pera ng bayan.

Sa isang ulat sa bayan ni Pangulong Duterte nitong Huwebes,ika-15 ng Abril, sinabi niyang ligal at tama ang mga transaksyon na pinapasok ng mga opisyal ng gobyerno partikular ang may kaugnayan sa COVID-19 response.

Inilahad pa ng presidente na hindi dapat magtipid ngayon, bagkus ilarga na ang paggastos lalo’t para naman ito sa pangangailangan ng mamamayang Pilipino ngayong panahon ng pandemya.

Hinikayat naman ng punong ehekutibo ang sinuman na magpaabot lamang ng liham sa kanya hinggil sa kakailanganin para sa pagtugon sa nararanasang health crisis dulot ng coronavirus.

Samantala, binigyang diin naman ni Pangulong Duterte na maalam na ang mga Pilipino kung sino ang mga taong tunay na may puso sa pagtulong sa mamamayan at ginagamit sa tamang paraan ang kaban ng bayan.

Pinatitiyak naman ng presidente sa kanyang gabinete na walang puwang ang korupsiyon sa ilalim ng kanyang administrasyon partikular sa mga proyekto ng gobyerno.

Kung matatandaan, pinangalanan ni Pangulong Duterte ang mambabatas at ilang opisyal na umano’y sangkot sa korupsiyon partikular sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa pinakahuling ulat naman ng Presidential Anti Corruption Commission (PACC), batay sa kanilang imbestigasyon, nakadiskubre sila ng maraming ebidensya laban sa mga nasabing opisyal.

Doon naman sa mga mambabatas na nasasangkot din sa isyu ng katiwalian, sinabi ni PACC Chairman Greco Belgica na nai-turn-over na nila ito sa Department of Justice (DOJ).

“Subalit doon sa mga tao na nasa amin po ang jurisdiction, like the DPWH, napakaganda po ng mga resulta ng mga investigation. We are, right now, substantiating with documents and evidence iyong mga testimonies na nakuha namin. Hindi ko na po muna sasabihin, pero as expected, these are positive results that supports the theories that we had,” dagdag pa ni Belgica.

Kaugnay nito, iginiit ni Pangulong Duterte na nagtatrabaho ang gobyerno at nagkukumahog na gawin ang lahat upang tugunan ang pangangailangan ng taumbayan na walang bahid ng katiwalian.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.