Pangulong Duterte, sang-ayon sa panukalang palitan ang chairperson ng PhilHealth Board

Sang-ayon si Pangulong Rodrigo Duterte sa panukala ni Senate President Vicente Sotto III na alisin na sa Health secretary ang tungkulin bilang chairperson ng Board ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sinabi ito ni Sotto matapos ang kanilang pakikipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte kagabi kasama ang ilan pang mambabatas kabilang sina House Speaker Alan Peter Cayetano, House Majority Leader Martin Romualdez, at Senador Christopher ‘Bong’ Go.

Ayon kay Sotto, nang makausap niya ang Pangulo ay pumayag ito sa kanyang panukala na ibigay na lamang sa secretary ng Department of Finance (DOF) ang papel bilang PhilHealth Board chairperson kapalit ng Department of Health (DOH) secretary.

Sa ilalim ng Senate Bill 1829 ni Sotto, layong amiyendahan ang PhilHealth law upang gawing ex-officio chairperson ng Board ang kalihim ng DOF.

Nakasaad rin dito na kailangan ay present siya sa lahat ng aksyon ng Board at hindi siya maaaring magkaroon ng kinatawan o magtalaga ng alternatibong taong uupo bilang chairperson ng PhilHealth Board.

Bukod dito, sinabi ni Senador Go na kabilang pa sa mga napag-usapan sa pagpupulong kagabi ay ang mga panukala kontra red tape at kontra korapsyon.

Dito ay sinabi aniya ni Pangulong Duterte sa mga mambabatas na handa siyang dumalo bilang resource person ng pagdinig ng dalawang kapulungan ng Kongreso tungkol sa mga panukalang ito kung kinakailangan.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.