Pangulong Duterte, Tatapusin ang kanyang termino

Tiniyak ni Sen. Bong Go sa sambayanang Filipino na matatapos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang termino hanggang sa 2022 at mabubuhay pa nang maraming taon ang Punong Ehekutibo.

Ginawa ni Sen. Go ang pahayag na ito dahil sa maraming lumalabas na espekulasyon hinggil sa kalusugan ng Pangulo matapos magsalita ang Chief executive ukol sa kanyang sakit na Barrett’s esophagus.

“Alam ninyo, mahigit 22 years na kaming magkasama ni Pangulo at halos taun-taon ko nang naririnig ang Barrett’s esophagus na ‘yan. Naikukuwento niya kung kani-kanino, ‘di naman ganun kalala. Nakukuwento niya na habang tumatanda tayo, marami nang ipinagbabawal,” ani Go sa radio interview.

Tiniyak ng senador na wala tayong dapat na ipag-alala dahil “physically fit and is in good shape” ang Presidente para patuloy na pangunahan ang bansa. Siniguro rin ni Go na tatapusin ng Presidente ang kanyang termino at mabubuhay pa siya nang mahaba.

“Huwag po kayong mag-alala at ‘yung mga nagpapakalat ng balita, ‘wag po kayong mag-aalala, ‘di totoo ‘yun, at kayang-kaya ni Pangulong Duterte na tapusin ang kaniyang termino and live beyond his term,” ayon sa senador.

Sinabi ni Go na nangako ang Pangulo na patuloy na patatakbuhin ang bansa at ilalagay sa ayos ang buhay ng mamamayang Filipino.

“Bagama’t may edad na ang Pangulo, ginagawa n’ya ang lahat para sa mga Pilipino. Buo ang kanyang loob na gampanan ang kanyang tungkulin bilang ama ng buong sambayanan na tumatayong poste ng ating tahanan para maalagaan at maprotektahan ang bawat Pilipinong itinuturing niyang anak,” aniya.

“Siya po ang lider na nagti-timon sa atin — wala nang iba — upang tuluyang maiahon tayo sa krisis at maipagpatuloy ang mga pagbabagong nakamit na natin sa ilalim ng kanyang pamumuno. Alagaan natin s’ya at ipagdasal natin palagi ang kanyang mabuting kalusugan,” dagdag ng mambabatas.

Ipinaliwanag ni Go na ang naging pahayag ng Pangulo ay ang tungkol sa payo sa kanya ng doktor na paalalahanan ang lahat ng Filipino na alagang mabuti ang kanilang kalusugan, lalo’t dumaranas ang bansa ng COVID-19 pandemic.

“Ipinapaalala lang ng Pangulo na mag-ingat tayo, sundin ang payo ng doktor. Sinasabi ng Pangulo, 75 years old na siya at maraming bawal.”

“Ito ang rason kung bakit nagiging mahigpit ang PSG at ang mga doktor sa kanya para masigurong hindi siya magkaroon ng anumang malubhang karamdaman. Lalo na ngayon na may COVID-19 health crisis, sinisigurado natin na hindi mahahawahan ang Pangulo. Ang health experts na ang nagsabi na ang mga senior citizens ang pinaka-vulnerable sa sakit na ito,” ani Go.

Sinabi ni Go na nasa Davao City ang Pangulo at babalik din sa Manila upang dumalo sa virtual conference kasama ng hari ng bansang Jordan upang pag-usapan ang ginagawang pakikipaglaban ng bansa sa COVID-19 pandemic.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.