Pangulong Duterte, tiwala pa rin kay DPWH Sec. Villar, sa kabila ng umano’y mga korapsyon sa DPWH

Nilinaw ng Palasyo na tiwala pa rin si Pangulong Rodrigo Duterte kay DPWH Secretary Mark Villar.

Ang pahayag na ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque ay kasunod ng sinabi ni Pangulong Duterte kagabi na nananatili ang korapsyon sa mga proyekto sa ilalim ng DPWH.

Ayon kay Secretary Roque, naniniwala ang pangulo na hindi sangkot sa katiwalian ang kalihim ng kagawaran. Kita rin naman aniya ni Pangulong Duterte na nagagampanan ni Secretary Villar ang kaniyang tungkulin.

“Full trust and confidence po kay Secretary Villar dahil despite the corruption in DPWH naka-deliver po si Secretary Villar. It helps na mas marami pang pera ang pamilya ni Secretary Villar kaysa sa DPWH.” ani Secretary Roque.

Ayon kay Secretary Roque, ang nais lamang ipakahulugan ni Pangulong Duterte sa kaniyang naging pahayag kagabi ay hindi dapat magpaka-kampante ang mga opisyal ng pamahalaan, dahil gugugulin ng pangulo ang natitirang panahon sa kaniyang termino upang tuldukan ang korupsyon sa gobyerno.

“Hina-highlight lang naman ni Presidente iyong mga paghamon sa natitirang panahon ng kaniyang termino at ang pangako naman ng Presidente, igugugol niya talaga itong natitirang panahon para labanan ang korapsyon sa lahat ng departamento ng gobyerno lalung-lalo na siguro sa PhilHealth at sa DPWH.” Pahayag ni Secretary Roque.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.