Pangulong Duterte, umaasang mas mabilis at magiging maayos na ang pamamahagi ng 2nd tranche ng SAP

Inaasahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na mas bibilis na ang pamamahagi ng cash aid sa mahihirap na pamilyang Pinoy ngayong tutulong na ang pulis at militar sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagpapatupad ng Social Amelioration Program (SAP).

”Naniniwala po ang Presidente na kung tutulong ang mga sundalo [at pulis], mas magiging mabilis po ang proseso,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque sa ginanap na virtual presser na umere sa PTV-4 noong Mayo 21.

Sa pakikipagpulong sa Pangulo sa Malacañang noong Mayo 19, sinabi ni Social Welfare Secretary Rolando Bautista na nakikipagtulungan ang DSWD sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa Philippine National Police (PNP) para matiyak na magkakaroon ang mga ito ng papel sa pamamahagi ng cash aid sa mahihirap nating kababayan.

Nagpahayag naman ang AFP at ang PNP ng kanilang kahandaang tumulong sa DSWD batay na rin sa atas ng Pangulo.

Nilinaw ni Roque na may papel pa rin ang local government units (LGUs) sa implementasyon ng SAP.

Aniya, “Hindi naman ibig sabihin ay itsapuwera na ang mga barangay, siyempre mayroon pa rin pong importansiya dahil kakilala nila iyong mga tao sa lugar.”

Noong Mayo 11 ay muling ibinalik ng Pangulo sa DSWD ang tungkulin sa implementasyon ng SAP sa DSWD dahil sa mga reklamo na kinukurakot ang pondo ng mga lokal na opisyal at hindi talaga nakararating sa mga benepisyaryo ang ayuda ng gobyerno.

Sinabi rin ng Pangulo na maaaring humingi ng tulong ang DSWD sa militar sa pamamahagi ng cash aid.

Sinabi ni Roque na ang naging aksyon ng Pangulo ay para matiyak na ang financial aid ay makararating sa karapat-dapat tumanggap ng SAP.

Aniya, “Isipin ninyo na lang ‘yung mga nandadaya diyan, ‘yung mga kumakana diyan ay maiiwasan na dahil wala na pong hihingi ng hati doon sa mga tao na ibinibigay sa mga beneficiaries.”

Ang ikalawang bugso ng SAP ay maipatutupad lang kapag nakumpleto na ng LGUs ang kanilang liquidation report ng first tranche, at kapag ang Palasyo ay naglabas na ng memorandum na naglalaman ng mga panuntunan kung paano ito ipamamahagi.

Ayon kay Roque ay posibleng lumabas na ang memorandum sa susunod na linggo.

Aniya, “Marami naman pong mga naka-liquidate na diyan at inaantay na lang po ang kumpas galing nga sa Office of the Executive Secretary kung kailan masisimulan ito.”

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.