Panoorin: Isang inmate, ibinulgar ang ‘GCTA for sale’ sa BuCor

Humarap na Senado ang sinasabing inmate na biktima ng “GCTA for sale” na raket sa New Bilibid Prison ngayong Lunes para ihayag ang nalalaman sa mga alegasyon laban sa Bureau of Corrections officials.

watch the video here:

Pahayag ni Godfrey Gamboa, ang asawa ng unang lumabas na senate witness na si Yolanda Camilon na nakipagtransaksyon umano sila sa mga opisyal ng BuCor na sina Ramoncito Roque, hepe ng BuCor Documents and Record Section; at Corrections Senior Inspector Maria Belinda Bansil.

Si Gamboa ay nakaditine sa minimum security compound ng Bilibid simula pa noong 2018 nang matapos ang kanyang minimum na sintensya na apat na taong pagkakakulong.

Kwento ni Gamboa na balak niya sanang mag-apply ng parole pero sinabihan siya ng isang staff sa Bureau of Pardons and Parole na tapos na pala ang sintensya niya.

Dahil dito ay agad na kinausap ni Gamboa si Bansil na namumuno sa Kaagapay Program na siyang humahawak sa pagpapalaya sa mga inmate.

Sinabi umano ni Bansil sa kanya na hindi siya kasama sa listahan ng lalaya noong Nobyembre 2018.

 “Mabuti ‘yung iba lumaya na, tayo nakalista pa lang. Sabi ko sa asawa ko marami na palang lalabas, paano kaya itong mga lumalabas,” ani Gamboa kay Yolanda noon.

Dahil sa maraming taon na sa kulungan, may naririnig na raw umano si Gamboa tungkol sa pagbabayad kapalit ng kalayaan.

“End of January or early February ‘yung asawa ko nagsabi na may nagpa-process na ng papel ko. Sabi ko maganda kung ganun. Magkano daw? Sabi niya P50,000,” ani Gamboa.

Dahil dito ay binenta umano ni Yolanda ang isa sa kanilang ari-arian at nakapangutang pa para makapagpaunang bayad, na matapos nito ay sinabing makalalaya na si Gamboa ng Marso.

“Hanggang dumating sa punto na ilalabas ako sa March. Hindi naman ako lumabas. Galit na galit ako nun. Nakita natin si (Ex-BuCor Chief Nicanor) Faeldon na lumabas sa opisina nina Roque. Sabi ko sa asawa ko kausapin niya si general, isumbong mo na ito kay general. Tumayo si Sir Roque sa harap kaya hindi namin nakausap si General Faeldon,” kwento pa ni Gamboa.

Binalak rin umano ng mag-asawa na kunin ang perang ibinayad sa paglaya dahil hindi naman natupad nila Roque at Bansil ang kanilang pangako na umanoy pagpapalaya kay Gamboa noong Marso.

Ito rin ang nag-udyok umano kay Gamboa na tetesitigo sa korapsyong nalalaman sa NBP kapag nakumpleto na niya ang kanyang sintensya hanggang Nobyembre ngayong taon.

 “Hindi magkapagsalita ‘yung mga tao (dun sa Bilibid) dahil hawak nila ang buhay namin, ikukulong kami o paparusahan. Sabi ko na kapag nakalaya ako sasabihin ko sa Senado ang mga katarantaduhan doon,” ani Gamboa.

Dahil sa mga isiniwalat at sa posibleng peligro na kaharapin ni Gamboa pagbalik sa Bilibid ay inerikumenda naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na isailalim siya sa Witness Protection Program dahil isa naman siyang legislative witness.

Nasa kostudiya naman ng Senado si Gamboa ngayon para na rin sa kaligtasan nito.

Mistulang ipinunto naman nina Senator Panfilo Lacson at Richard Gordon na walang makukuha si Gamboa sa pagtestify nito dahil kahit anong mangyari ay lalabas naman na ito sa Nobyembre. 

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.