PANOORIN: Reaksyon ni BBM at Robredo sa desisyon ng Korte Suprema sa VP Poll Protest

Hindi inasahan ng kampo ni dating senador Bongbong Marcos ang inilabas na resolusyon ng Presidential Electoral Tribunal (PET) sa petisyon nila na humihiling na ipawalang-bisa ang pagkapanalo ni Vice President Leni Robredo noong 2016 elections dahil umano sa malawakang dayaan na naganap.

watch the video here:

Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, tatlong taon nilang hinintay ang magiging resulta ng kanilang petisyon pero wala pa ring inilabas na pinal na desisyon ang SC patungkol dito mula September 10, na na-postpone noong Oktubre 1, Oktubre 8 at ngayon ay Oktubre 15.

Aniya, tatlong lalawigan pa lamang ang pinag-uusapan at mayroon pa aniyang 22 probinsiya at limang highly-urbanized cities at nauubos na ang kalahati sa anim na taon na termino ni Robredo.

Dahil dito, humirit ang abogado na kung maaari ay pagsabayin na ring dinggin ang 1st cause of action at 2nd cause of action, na tumutukoy sa pagpapawalang-bisa sa pagkapanalo ni Robredo at ang pagpapatuloy ng recount sa lahat.

Tiniyak naman ni Rodriguez na tatalima sila sa kautusan ng SC para sila ay maghain ng komento sa 3rd cause of action o ang pagpapawalang-bisa sa resulta ng halalan sa mga lalawigan ng Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao.

Umaasa rin ang kampo ni Marcos na makukuha nila ang kopya ng rebisyon ng recount sa tatlong pilot provinces o ang Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental bago naman matapos ang linggong ito para makapagkomento agad sila sa ibinigay na 20-araw ng SC.

Samantala, pahayag ni Robredo, “half relieved and frustrated” ang nararamdaman niya dahil ipinag-utos lang ng Supreme Court, na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET), ang release ng revision committee report sa resulta ng vice presidential recount.

Para kay Robredo, ang dismissal ng election protest ang “acceptable” decision ng PET batay sa Rule 65 at resulta ng recount.

“Kasi ang paniniwala talaga namin there is no other way but to dismiss this, considering their own rules, and considering the results of the recount,” saad ng Bise Presidente.

Sa kabila nito, mabuting balita umano ang pinag-utos na release ng PET para malaman ng publiko kung ano ang lumabas sa recount.

“Mabuting balita nag-order iyong PET para malaman ng publiko kung ano talaga iyong nag-transpire sa recount, ano talaga botong lumabas at sino talaga iyong nagsasabi ng katotohanan,” aniya.

Samantala, nagpatutsada naman si Robredo kay Marcos na kailan umano nito matatanggap na natalo siya sa 2016 vice presidential election.

“Tapos na iyong eleksiyon. Pinroclaim tayo ng Kongreso. Iyong resulta na galing sa Comelec, pinroclaim tayo ng Kongreso, panalo tayo. Nagkaroon ng recount, panalo ulit tayo. So, ilang panalo pa ang kailangan para maniwala siya [Marcos] na hindi siya iyong nanalo?” sabi ni Robredo sa video na binahagi ng kanyang tagapagsalitang si Barry Gutierrez.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.