Panukalang early voting law, hinihiling na masertipikahan bilang isang urgent bill

Nananawagan si Senadora Imee Marcos na ipasa na sa madaling panahon ang early voting law para masuportahan nito ang mass vaccination program ng pamahalaan at masiguro ang maayos at ligtas na eleksyon sa susunod na taon.

Umaapela ang senadora na chairperson ng Senate Committee on Electoral Reforms kay Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahan na bilang urgent bill ang panukalang early voting law.

Ayon kay Marcos, mawawalan na ng sapat na oras ang Commission on Elections (Comelec) na pagplanuhan ang mga pandemic-related measures at maayos ng tama ang budget kapag naantala ang pagpapasa ng nasabing panukalang batas.

Sa ilalim ng Senate Bill 1104 ng senadora, bibigyang pahintulot ang maagang pagboto ng mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs), at plano ring maisama dito ang health workers, militar, mga pulis, poll watchers at media.

Layon aniya nito na mabawasan na ang dami ng tao sa araw ng eleksyon at mapawi ang pangambang magkaroon ng hawaan sa araw ng halalan.

Bukod dito, sinabi rin ni Marcos na maiging magdagdag din ng mga bagong presinto para masunod pa rin ang social distancing at iba pang safety protocols.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.