Paratang ng NPA na pinilit ng DILG ang mga LGUs na ideklarang persona non grata ang kanilang hanay, walang basehan ayon sa Palasyo

Walang basehan ang paratang ng mga miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na pinipilit umano ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan upang ideklarang persona non grata ang mga ito.

Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos ideklara ng 1,546 na mga LGU ang CPP-NPA-NDF bilang persona non grata, o hindi welcome sa kanilang mga lugar.

Ayon sa kalihim, hindi dapat magalit ang mga rebelde sa mga LGUs, dahil ang US State department naman ang naunang nagdeklarang persona non grata sa mga ito. Katunayan, terorista pa ang itinawag sa mga ito.

“Unang-una, hindi naman po DILG at mga LGUs ang nagdedeklara sa kanila ng ‘persona non grata’. Ang una US state department   ang tawag nga nila sa CPP-NPA – terorista!” giit ni Secretary Roque.

Sinabi ni Secretary Roque na sa isang sibilisadong mundo ay wala naman talagang humahanga sa mga terorista.

“Kung terorista, iwe-welcome mo pa ba sila? Huwag silang magalit sa mga LGU na nagparatang na sila ay ‘persona non grata’ dahil in this civilized world, wala po talagang humahanga sa mga terorista.” pahayag ni Secretary Roque.

Dahil dito, payo ng kalihim, tumutok na lamang sa parliamentary struggle ang mga ito. Isuko na ang kanilang mga armas at itigil na ang pagkitil ng buhay, lalo na aniya kung kapwa Pilipino ang kanilang papatayin.

“Kaya kayo ibaba na ninyo ang inyong armas, magtutok na lang kayo sa parliamentary struggle nahahalal naman kayo sa Kongreso, damihan ninyo ang hanay ninyo roon, nang sa ganoon  magkaroon ng pagbabago, itigil na po iyang patayan lalung-lalo na kung ang papatayin naman ninyo ay kapuwa ninyong mahirap na Pilipino rin.” ayon kay Secretary Roque.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.