Pasaway na barangay chairman sa Maynila arestado

Nagbabala si Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga opisyal ng barangay sa Lungsod ng Maynila na hindi ito magdadalawang isip na kastiguhin ang mga ito sa oras na lumabag sila sa ipinapatupad na batas.

Ang naturang babala ay ginawa ni Domagoso matapos mahuli ang isang barangay chairman dahil sa operasyon ng iligal na tupada sa kanyang nasasakupan.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD) Station 1 (Tondo), naaresto ang suspek na si Chairman Silvestre Dumagat Jr. ng Barangay 125 sa Tondo gayundin ang caretaker nito na si Wilfredo Marullano sa isang follow-up operation kahapon.

Bago ang pag-aresto kay Dumagat ay naunang naaresto ang apat na indibidwal na kinilalang sina Lito Siana, 50, Arnel King, 32, Daryl Ellorin, 30, at si Daniel Custodio, 37 kung saan nakuha sa mga ito ang dalawang manok na pangsabong at perang nagkakahalaga ng P500.

Nagawa umanong makatakas nina Dumagat at Marullano makaraang mamukhaan nila ang mga pulis ngunit hindi sila nakaligtas makaraang magsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad kung saan narekober sa mga ito ang limang manok na pangsabong.

Napag-alaman sa hepe ng MPD-Station 1 na si Lt. Col. Cristopher Navida na nagsagawa na sila ng isang operasyon noong April 5 sa naturang lugar at nakiusap na diumano siya kay Dumagat patungkol sa nangyayaring iligal na aktibidad sa kanyang lugar, ngunit patuloy pa rin itong nag-operate.

Patong-patong na kaso ang kinakaharap ni Dumagat kabilang ang paglabag sa City Ordinance 8627 (Mandatory use of face masks in all public places within the City of Manila), Republic Act 11332 (Non-cooperation Amid COVID-19 Pandemic) at Presidential Decree (PD) 1602 (Cockfighting).
Kakaharapin naman ni Marullano ang mga kasong paglabag sa City Ordinance 8627 at RA 11332, habang ang apat na unang naaresto ay mahaharap sa kasong PD 1602.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.