PCOO Usec Badoy, tiwala na ibibigay ng Kongreso ang hinihinging budget ng (NTF-ELCAC) kahit pa iniipit ito ng MAKABAYAN bloc

Tiwala pa rin si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Undersecretary Lorraine Badoy na ibibigay pa rin ng Kongreso ang hinihinging budget ng National Task Force-Ending Local Communism and Armed Conflict (NTF-ELCAC), kahit patuloy pa umano itong ginigipit ng MAKABAYAN Bloc sa budget hearing.

Inihayag ni Badoy na malaki ang kanyang paniniwala na papaboran ng mga totoong representante na talagang ibinoto ng taumbayan ang hinihinging P16.44-billion budget ng NTF-ELCAC.

Paliwanag ng opisyal na nakikita mismo ng ibang mga miyembro ng Mababang Kapulungan ang pangangailangan ng mga proyekto para mapaunlad ang mga malalayong barangay dito sa bansa.

Pasaring nito na kaya iniipit ng MAKABAYAN bloc ang hinihingi nitong pondo dahil hindi umano nito gusto na magkaroon ng kaunlaran lalo na sa mga malalayong barangay kung saan namumugad ang mga New People’s Army (NPA).

Ayon pa kay Badoy, ang MAKABAYAN bloc mismo ang ayaw na makapasok ang serbisyo ng gobyerno sa kabundukan dahil mawawalan sila ng dahilan na ipagpatuloy ang kanilang armadong pakikibaka.

Dagdag nito, kaya nasa Kongreso ang mga nasabing grupo para paboran ang mga komunista na nagpapahirap sa mga residente ng mga malalayong lugar lalo na ang mga katutubo.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.