PDEA, Mahigit 18,000 barangay ligtas na sa ilegal na droga

Mahigit sa 18,000 barangay sa buong bansa ang nalinis na sa ilegal na droga sapul nang simulan ng Duterte administration ang kampanya kontra droga. Ito ang iniulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Hunyo 23.

Batay sa infographics na naka-post sa #RealNumbersPH Facebook page, nasa 18,582 mula sa 42,045 barangay sa ating bansa ang nalinis na sa droga hanggang noong Marso 31.

May kabuuang 15,388 barangay naman ang kailangan pa ring linisin sa ilegal na droga.

Sinabi ni PDEA spokesperson Derrick Carreon na bago ideklara ang isang barangay na wala ng illegal drug activities, nagpupulong muna ang Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) para i-validate ang: “non-availability of drug supply in the area and the absence of drug transit activity, clandestine drug laboratory and chemical warehouse, marijuana cultivation site, drug den, drug pushers and users”.

Aniya, naging krusyal ang pagbubuo ng Barangay Drug Abuse Councils, o BADACs, sa matagumpay na implementasyon ng kampanya kontra droga.

Katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG), nagsagawa ang PDEA ng training-orientation sa local government units (LGUs) sa buong bansa tungkol sa “measures and indicators on declaring drug-cleared barangays”.

Ayon kay Carreon ay kaugnay ito ng vision ni Pangulong Rodrigo Duterte ng isang “drug-cleared country by 2022” kaya pinalakas ng PDEA ang implementasyon ng Barangay Drug Clearing Campaign.

Aniya, ang PDEA, bilang lead agency kontra ilegal na droga, ay nagsagawa ng “three-pronged strategy” sa national anti-drug campaign na nakatuon sa pagbabawas ng suplay, pangangailangan at mapanganib na epekto ng droga.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.