PhilHealth Region 1, iimbestigahan ng PACC sa pagkasira ng computers at mga documents

Pinapaimbestigahan na ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica ang kumalat at natanggap nitong impormasyon na nasira ang mga computer at dokumento ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa Region 1 dahil sa malakas na ulan.

Sa isang panayam, sinabi ni Belgica na nagpadala na sila ng agents mula sa National Bureau of Investigation (NBI) para tingnan at tiyakin kung tama ang nakarating na balita sa kanilang ahensya.

“I received the report kagabi, mga alas diyes na, pinatignan ko po agad sa NBI at bina-validate… basically tsine-check kung ano talaga ang nangyari doon,” ani Belgica.

Ayon kay Belgica, ang opisina ng PhilHealth sa Region 1 ay nasa ilalim ng imbestigasyon kaugnay sa sinasabing hindi pagtugon ng opisina sa 200 kaso ng pandadaya kabilang na ang pagkakaroon umano ng ghost patients.

Aniya, nakakabahala ang pagkasira ng mga nasabing kagamitan lalo na at nasa ilalim ito ng imbestigasyon.

“Siyempre this endangers yung mga documents tsaka yung mga computer systems,” paliwanag ni Belgica.

Sa kabila nito, tiniyak naman ni Belgica na may mga hawak naman na silang mga mahahalagang dokumento na magpapa-usad sa imbestigasyon sa state insurer kahit pa aminado ito na ang mga dating kaso ay posibleng makompromiso sakaling ang ialng dokumento ay masira.

“Ang maaaring maapektuhan ay yung mga bagong issues ngayon gaya ng IRM (Interim Reimbursement Mechanism),” paglalahad pa ni Belgica.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.