Pilipinas nasa ikatlong pwesto sa Southeast Asia sa vaccination roll-out

Sinabi ni National Task Force Against COVID- 19 Chief Implementer Sec. Carlito Galvez na ang Pilipinas nasa ikatlong pwesto sa Southeast Asia sa vaccination roll-out.

Sa datos ng NTF, nakapagtala na ang Pilipinas ng mahigit 2,600,000 doses na naibigay sa publiko mula nang magsimula ang vaccination nitong Marso 1 gamit ang mga bakunang Sinovac, AstraZeneca at Sputnik V.

Nangunguna naman sa vaccination roll-out sa Southeast Asia ang Indonesia na nagsimula ng pagbabakuna noong Enero 13 at mayroon ng 22.6M doses na naiturok habang pangalawa ang

Singapore na may 3.13M doses nang naibigay mula nang magsimula ang vaccination noong Disyembre.

Sa buong mundo, ang bansa ay nasa rank 41 sa 195 bansa habang pang 15 rin ito sa 47 bansa sa Asya.

Samantala, iginiit ni Sen. Christopher ‘Bong’ Go na dapat masunod ang priority list ng pamahalaan pagdating sa bakunahan.

Ito ang tugon ng senador sa gitna ng panawagan na bakunahan na rin ang mga estudyante sa kolehiyo. Paliwanag ni Go, dapat sundin ang priority list dahil kasama ito sa kasunduan sa COVAX Facility ng World Health Organization (WHO).

Sa oras aniyang lalabag ang bansa sa regulasyon kasama ang COVAX ay baka magkaroon lamang ng problema sa suplay ng bakuna.

Matatandaan na ang ilang suplay ng bakuna na dumating sa ating bansa tulad ng Sinovac, AstraZeneca at Pfizer vaccine ay mga donasyon mula sa COVAX Facility.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.