Pilipinas, pinagtibay ang pakikipagkaibigan sa Palestine, New Zealand, Canada, Iran, at Vietnam

Pinagtibay ng Pilipinas ang ugnayan at pakikipagkaibigan nito sa Palestine, New Zealand, Canada, Iran, at Vietnam, kasabay ng presentation of credentials ng mga ambassadors ng mga bansang ito kay Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw, sa pamamagitan ng video conferencing.

Sinabi ni Pangulong Duterte kay Palestine Ambassador H.E. Saleh Asa’ad Fhied Mohammad, na umaasa ang bansa na magiging mabunga ang relasyon nito sa Palestine lalo’t kabubukas lamang ng kanilang embassy sa Maynila noong nakaraang taon.

Para naman kay New Zealand Ambassador H.E. Peter Francis Tavita Kell, ipinarating ni Pangulong Duterte na interesado ang Pilipinas na pumasok sa geothermal energy development cooperation sa kanilang bansa, maging ang pagpapalalim ng engagement sa aspeto ng defense, maritime security at paglaban sa transnational crimes.

Binigyang diin naman ng Pangulo kay Canadian Ambassador H.E. James Peter MacArthur, na ang Canada ay matagal nang kaibigan ng Pilipinas at nagsisilbing development partner ng bansa. Nagpaabot naman ang ambassador ng pagbati sa pangulo sa naisakatuparang peace agreement at pagbuo ng BARMM, maging ang Universal Healthcare Act at ang Build Build Build program.

Para naman kay Iranian Ambassador H.E. Alireza Tootoonchian, ipinaabot ni Pangulong Duterte ang pasasalamat kay Iranian Supreme Leader Ayatollah Seyyed Ali Khamenei para sa pardon ng Pinoy na nakulong sa kanilang bansa. Nagpahayag rin ang pangulo ng pagnanais ng mas matatag na bilateral ties lalo na sa aspeto ng science and technology at people to people exchanges.

Ipinaabot naman ng Iranian Ambassador ang imbitasyon ni Iranian President Hassan Rouhani kay Pangulong Duterte na bumisita sa kanilang bansa.

At binigyang diin naman ng Pangulo kay Vietnamese Ambassador H.E. Hoang Huy Chung ang kahandaan ng Pilipinas na pagigtingin pa ang kooperasyon sa Viet Nam, bilateral man o sa pamamagitan ng ASEAN, para sa paglaban sa COVID pandemic at sa mabilis na economic recovery sa ilalim ng new normal.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.