PNP binalaan ang mga motoristang dumadaan sa bike lane

Binalaan ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Operations at Joint Task Force COVID Shield Commander P/Lt. Gen. Guillermo Eleazar ang mga motorista na nagpipilit dumaan sa mga itinakdang bike lanes ng mga local government units sa Metro Manila.

Ito’y matapos na makarating sa kaalaman ng heneral ang isang katutak na reklamo sa social media ng mga siklista laban sa mga motoristang ginagamit ang bike lane para makasingit sa trapiko o di kaya’y ginagawa itong paradahan.

Ayon kay Eleazar, nalalagay sa panganib ang buhay ng mga siklista dahil sa maling asta ng ilang mga motorista.

Paalala ni Eleazar sa mga motorista na dapat na silang masanay sa mga siklista sa daan dahil marami na ang gumagamit ng bisikleta ngayong walang masakyan.

Sinabi ng heneral na inatasan niya ang PNP Highway Patrol Group (HPG) at mga local police commanders na magsagawa ng clearing operations para alisin ang lahat ng obstructions sa mga bike lane.

Sa ngayon, may designated bicycle lanes na sa lungsod ng Pasig, Taguig at Quezon City, at pinag-aaralan na rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na maglagay ng bike lane sa EDSA.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.