PNP Chief Albayalde, reresbak sa mga nagdiin sa kanya sa isyu ng ‘ninja cops’

Kinukonsidera ngayon ni Philippine National Police chief Gen. Oscar Albayalde ang gagawin niyang posibleng legal na aksyon laban sa mga dating police official na idinadawit niya sa sinasabing kuwestyunableng drug raid sa Pampanga noong 2013.

Sinabi ni Albayalde ngayong Biyernes na inalok siya ng beteradong abugado na si Estelito Mendoza, kapwa-Cabalen, ng legal aid para sa posibleng pagsasampa ng kaso sa mga nag-akusa sa kanya.

“He was so much willing to give legal advice . . . I gave him the case folder. We talked and he has given instructions,” ani Albayalde.

“These people have to be made responsible for their actions. They should know better. Somebody here is lying, but it’s definitely not me.”

Matatandaang nakaladkad ang kanyang pangalan matapos na umano’y mangielam sa kaso ng 13 police officers na nadismiss at sinasabing kumupit ng milyong halaga ng shabu sa ikinasang 2013 drug raid.

Ibinunyag nina PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Benjamin Magalong at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Aaron Aquino na nangielam daw si Albayalde sa kaso ng kanyang mga dating tauhan.

Noong nakaraang pagdinig noong Miyerkoles, sinabi naman ni Central Luzon police chief Rudy Lacadin na sinubukan umano ni Albayalde na impluwensyahan ang imbestigasyon.

Sa kanyang testimonya sa isinasagawang imbestigasyon ng Senate committee on Justice and Human Rights na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon, ibinulgar ni retired General Rudy Lacadin, CIDG chief Region III, na “inamin” sa kanya ni Albayalde na maliit lang ang “napunta” sa kanya  sa nangyaring anti-drug operations noong 2013 sa Pampanga.

“Kaunti lang naman ang napunta sa akin dyan,” ani raw ni Albayalde, ayon kay Lacadin sa nangyaring phone conversation nilang dalawa.

Mariin namang itinanggi ang lahat ng ito ni Albayalde.

Sinabi niya na maaring pinupulitika lang siya sa pagkakadawit at pagdidiin sa isyu dahil sa nalalapit niyang retirement at sa napipintong pagpili ng bagong PNP Chief.

“Wala pong naipalabas na ebidensya o sino mang nagsabi that would corroborate a single person’s allegation,” pahayag ni Albayalde.

“Kayo na po ang magsabi kung meron ba o wala… ni isa na proof wala,” dagdag pa nito. 

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.