PNP, tinanggap ang hamong debate ng UP students sa pagpasok ng pulis, militar sa mga paaralan

Tinanggap ng Philippine National Police (PNP) ang hamon ng mga UP students na pagdebatehan sa maayos na paraan ang isyu ng academic freedom.

Ito’y sa gitna ng pagtutol ng mga estudyante, partikular sa University of the Philippines (UP) sa kagustuhan ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) na pahintulutan sila sa mga campus dahil ito umano ay pagsikil sa “academic freedom”.

Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Bernard Banac, gusto nga nila na makadiyalogo sa maayos na paraan ang mga mag-aaral para maipaliwanag ang kanilang panig.

Binigyang-diin ni Banac na walang intensyon ang PNP o militar na pakialaman ang academic freedom ng mga estudyante.

Nais lang aniya nilang kausapin ang mga mag-aaral tungkol sa iba’t ibang isyu tulad ng peace and order, criminality, illegal drugs, cybercrimes, cyberlibel, online scams, disaster response, sexual harassment, rape, karahasan laban sa kababaihan at kabataan, pagmamahal sa pamilya, paggalang sa mga guro at magulang, pagiging responsableng mamamayan, pagmamahal sa bayan, at iba pang paksa na may kinalaman sa kabataan, at kung paano sila mas mapapaglingkuran.

Kung papayag aniya ang mga mag-aaral at mga pamunuan ng mga paaralan, gusto lang ng PNP na magkaroon ng “Police visibility” sa mga paaralan bilang pangontra sa mga kriminal na aktibidad, dahil trabaho ng pulis na pangalagaan ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

Muling binigyang-diin ni Banac na walang problema ang PNP sa student activism basta’t walang paglabag sa batas.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.