‘Police Power’ ang hiling ng MMDA para solusyonan ang mabigat na trapiko

Humiling ng police power ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagpapaluwag ng trapiko para maging mas epektibo ang mga enforcer.

Sa pahayag ni MMDA traffic czar Bong Nebrija, hirap silang solusyonan ang problema sa mabigat na daloy ng trapiko dahil wala umanong pangil ang kapangyarihang ibinigay sa kanila ng batas.

“Right now, kami lang ang ahensiya na ‘di puwedeng mangumpiska ng lisensiya. So ‘yan ‘yong problema namin, unlike ‘yong mga local government, they could confiscate licenses,” giit ni Nebrija.

Saad pa nito, kaya hindi nirerespeto ng mga motorista ang traffic enforcers ng MMDA ay wala silang  kapangyarihan na magkumpiska ng mga lisensya.

“For example, mga public utility bus drivers, ‘yan ang hanapbuhay nila and yet they are the highest violators in EDSA,” paliwanag ni Nebrija.

“There are some that go as high as 98 violations sa non-contact [apprehension], hindi pa nila binabayaran and yet we cannot confiscate,” dagdag pa nito.

Sa panig naman ni Marikina Rep. Bayani Fernando, dating MMDA chairman, may kapangyarihan ang MMDA dahil mandato aniya sila sa batas na mamahala sa trapiko.

Hindi rin pabor si Fernando na bigyan ng police powers ang MMDA na gagamitin sa pag-aresto ng mga pasaway na motorista.

Maging si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ay sinabing hindi rin simpleng trabaho ang pagbigay ng police power sa MMDA.

Para naman sa ilang mambabatas, sa palagay nila ay dapat dagdagan ang budget ng MMDA para makahanap ng dagdag na taong tutulong sa pagmamando sa mga kalye at mapasuweldo nang maayos ang mga empleyado ng ahensiya. 

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.