Pondo para sa mga mahihirap, hindi dapat problemahin

Tiniyak ng mga senador na hindi kailangang problemahin ang pondo para sa ipapamahaging cash assistance sa mga mahihirap na pamilyang apektado ng ipinapatupad na quarantine measures dahil sa COVID-19.

Ito ang tugon ng mga senador sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaaring hindi sapat ang Php275 billion para sa dalawang buwang emergency subsidy sa 18 million low-income households sa buong bansa.

Pero giit ni Senate President Vicente Sotto III, hindi dapat inaalala o pinoproblema ang pondo at alam aniya ito ng Pangulo.

Kumpiyansa si Sotto na sapat ang kakayahan ng national government para makahugot ng dagdag na pondo para sa cash assistance.

Maaari aniyang gamitin ng ehekutibo ang mga unused funds mula sa Php4.1 trillion 2020 General Appropriations Act (GAA).

Sinabi naman ni Senador Panfilo Lacson na noong nagsagawa sila ng special session ay sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na may inaasahan pang grant mula sa Asian Development Bank (ADB) at standby loan mula sa World Bank na maaaring magamit para sa mga hakbang kontra COVID19.

Bukod dito, sinabi rin aniya ng DBM na mayroon pa aniyang Php600 billion na halaga ng unused funds mula sa 2019 GAA.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.